Tatlong taon na ang nakalipas nang ako'y tumuntong dito sa Mataas na Paaralang Ateneo. Isang bagong simula, yan ang aking iniisip. Dumaan ang unang taon at napadpad ako sa isang hindi pamilyar na lugar, ang "Summer Remedial". Marahil ako'y masyadong naging kampante at sinabi ko na lang, "bawi na lang sa susunod na taon".
Sa aking pangalawang taon dito, iniisip ko na namang bagong simula. Ngunit bumalik muli ang sakit kong katamaran. Sumabay pa ang kaso ko sa APSA at ako'y muntikan nang masipa. Nasa isip kong ma-swerte na kung mag-"summer" lang ako at sa matinding dasal, yun nga ang aking nakuha. Tinapos ko ito at ako'y pumasa naman.
Pangatlong taon ko na noong naisip kong ibahin ang aking buhay at gawin ang tama. Nagsipag akong ibigay lahat ng gawaing bahay at dahil dito, ako'y nahasang magsipag. Sa wakas, matapos ang pangatlong taon ay hindi ko na kinailangang mag-"summer classes"
Ngayong ako'y nasa huling taon ko na sa mataas na paaralang Ateneo, sa aking palagay ay naging mas mabuting estudyante at tao na ako. Marami na akong naranasan dito sa Mataas na Paaralan ng Ateneo. Lahat na yata nang pwedeng pagdaanan, nadaanan ko na. Heto ang aking gustong iparating sayo, kaibigan: walang imposible sa AHS. Alam ko iyan sapagkat naranasan kong mag-"summer", ma-suspinde, bumagsak at muntikan nang masipa. Ngunit narito ako ngayon, nabigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon. Magbago kayo habang maaga pa at malamang kayo'y matatanggap sa Kolehiyo ng Ateneo. Magbago kayo, at hindi kayo magsisisi sa bandang huli katulad ko. Kaibigan, itigil mo ang iyong masamang bisyo at labanan ang sakit ng katamaran, maaga pa. May panahon ka pa.
No comments:
Post a Comment